oyayi
         Anak ng teteng!  Pwedeng magmura?! 



        Pagpasensyahan nyo na po, subalit ganyang-ganyan ang  aking naging reaksyon pagkatapos kong isinara ang librong ito ni Bob Ong.  


         Oo, di ko binasa ng buong buo ang wakas nung libro (yung  ikahuling talata lang naman!) .  Bakit kamo?  Hayaan nyong ibahagi ko sa inyo.


         Isang Sabado, nag-usap kami ni Fred.   Chikahan dito,  kwentuhan doon... hanggang sa umabot kami sa usapang libro. Natanong nya kung nagbabasa ba daw ako ng mga gawa ni Bob Ong.   Sinagot ko naman ng "Oo".   Ang katotohanan nga nyan kumpleto ako sa lahat ng gawa nya.  



       Nagsimula na ang payabangan namin ni Fred.   "Meron ka ba neto, neto at neto?',  ang palitan naming pagpapangalan sa mga libro ni Bob Ong.    Nang biglang himirit si Fred ng "E eto, meron ka na?", sabay labas ng isang kulay lila na aklat.  "Ano yan?! May bago sya?", tanong ko naman.  May katagalan na rin  kasi nung huli akong nakapunta ng NBS.  


        "Oo! sagot naman niya.    Sige na nga, lang papahiram ko na muna sa 'yo 'to kahit di ko pa nababasa" sambit nya.   "Talaga?  Sige, pramis isosoli ko agad sa 'yo!", agad-agad kong sagot.


     Pagkatapos ng pag-uusap na yun, nagdesisyon na kaming pumunta na ng mall para magpizza trip.  



    "Uy, daan muna tayong Natio, tingnan ko kung meron na sila neto dun!", ang di mapakali kong sabi sa grupo.   Bilang pinakamatanda sa aming tatlo (haha, inamin?), wala silang naggawa kundi pagbigyan ang ate.   


         Wala ng paligoy ligoy pa, dumiretso na ako sa estante kung saan madalas nakalagay ang mga libro ni Bob Ong.  "Paker, ala pa to dito Fred!", sabi ko.   "Subukan mo tingnan sa itaas, mungkahi naman nya!" 


       Pagkaakyat, dali-dali na akong nagtanong dun sa isang tindera.   Sa simula, medyo di pa nya naunawaan ang tinatanong at hinahanap ko.  "Teh, kani gud, naa na mo ing ani?"( Ate, eto o, meron na kayong ganito?), sabay sayaw ko ng libro sa may mukha nya.  "Aw, unsa man diay ni?" (Aw, ano pala to?).  Ansarap sagutin ng "libro ate, libro yan!".  Pinigilan ko na lamang ang sarili ko sa pag-iisip na baka mas lalong di ako sasagutin ng matino at tutulungan nung tindera.    


       Pagkalipas ng ilang minutong diskusyon at kulitan, hinanap nya na rin sa kanilang database kung meron nga ba sila nung librong yaon.   Wala raw. "Ay?", ang tangi kong nasambit na may halong panghihinayang.  


       Nagdesisyon na lang kaming tumuloy na sa pizza hut ng mga kasama ko.


       Patapos na kaming kumain nun nang nakatanggap ako ng mensahe sa telepono mula sa isa pang kaibigan. Nasa kabilang mall daw sya.  "Ayos!   May NBS din sa mall na yun!",  napag-isip-isip ko.  



        Lulan ng dyip (nakakapulubi nang magtaxi!), pumaroon ako kung nasaan yung kaibigan kong nagtext.     Hayup, binebentahan pala sya ng isang kakilala ng insurance nung mga oras na yun!   Balak pa  din nga sana akong bentahan e, kaso, pulubi na nga ako, di ba?   Kahit naisin ko mang kumuha, malabo pa sa malabong mangyayari yun.   Malamang kung merong premium na tagpiso lamang  kaya ko ng kumuha kahit pa isandosena! Gawin pa kitang beneficiary kung gusto mo!

 
    Pagkatapos mag-usap ng kaibigan ko at nung kakilala namin, nagpaalam ako saglit sa kaibigan ko na nag-aantay rin naman sa kapatid nya nung mga panahong yun.   Umeksit na rin ako saglit dahil nasa tapat lang naman nung restaurant yung NBS.


      Di pa ko halos nakapasok ng NBS, kitang kita ko na sa malayo yaong kulay lila na aklat. Dagli ko nang dinampot ang libro at binayaran sa kahera.



      Dahil may tinatapos at binabasa pa akong ibang libro nun, di ko na muna agad binasa yaong librong yun ni Bob Ong.   Nang matapos ko na yung nauna, saka ko pa dinampot yung sa kanya.  


     Nga pala, may sikreto  akong ibabahagi sa inyo ha?  Wag mo na masyadong ipagkalat.   Bisyo ko nga palang magbasa ng libro o magkonsyerto habang nakaupo sa trono.   Mas nananamnam mo kung anong binabasa mo dahil tahimik at walang istorbo.    Sa pagkokonsyerto naman, wala ka masyadong nabubulahaw kundi sarili mo.   


        Kaya ayun, tuwing panahon na para  sa "pagmumuni-muni", binabasa ko yung "libro" at paminsan minsan sinasabayan ko pa ng pagkanta sa tabi.   Wag mo na nga subukang ibuo sa utak mo kung paano ko ginagawa yun.   Basta ganun na yun!



       Sa simula, nabato ako.   "Ano ba to?  Para namang di na marunong magsulat ng maayos si Bob Ong!" 


          Nasa may kalagitnaan na nung simulang maging interesante ang kwento.   Dahil wala naman akong ideya at di naman ako nag-abala pang alamin ang mga pagsusuri ng mga nauna ng nakabasa, nagulantang ako nang nagsimula ng mag-iba ang tema ng kwento.   Hayup, di ko man lamang naihanda ang aking sarili sa kung anuman ang nilalaman nung libro , pati na rin sa mga kaibigan ni mama susan.   At nasa loob pa man din ako ng banyo.    Maririnig kaya nung mga tao sa labas ang sigaw ko kung saka-sakali? Pakiramdam ko nga umatras ata ebs ko nun e. 


       Nung nasa may huling bahagi na, ewan ilang pangungusap pa yung naiwan na di ko nabasa, isinara ko na yung libro.   Mukhang di ko ata magugustuhan kung ano man ang nakasulat  base sa dalayday nung kwento.   Wala na akong iba pang nasambit kundi "Anak ng teteng!"




     O eto, panoorin nyo.   Kayo na rin ang bahalang gumawa ng mga sari-sarili ninyong hatol at opinyon.   Gudlak!




Labels: , , |
0 Responses

Post a Comment